Nilinaw ng isang political analyst na dapat ay pinapayagan ang mga probing questions sa pagdinig ng House Committee on Justice, basta malinaw na ang mga ito ay may kaugnayan lamang sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst at constitutionalist, sinabi niya na ang tungkulin ng HCOJ ay tukuyin kung may probable cause para sa impeachment o kung hindi dapat ituloy ang kaso laban sa bise presidente.
Aniya, kapansin-pansin sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment case ni VP Sara Duterte na hirap ang ilang mambabatas na balansehin ang judicial at political na aspeto ng proseso.
Makikita rin umano ang hindi pagtalima ng ilan sa mga itinakdang alituntunin, dahilan upang maging limitado ang pagtalakay sa ilang ebidensyang inilahad sa pagdinig.
Giit niya, hindi lamang dapat clarificatory questions ang pinapayagan, kundi dapat may sapat na pagkakataon ang mga mambabatas na masuri ang bawat ebidensya at mailabas ang mga impormasyong kaugnay nito.
Dahil dito, sinabi niyang nahihirapan ang ilang kongresista na ihiwalay ang kanilang political leaning sa kanilang papel bilang mga nag-iimbestiga sa impeachment proceedings.










