Hinihintay pa ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan ang pinal na implementing guidelines at mga legal na dokumento kaugnay ng inaprubahang fare matrix bago ganap na maipatupad ang ₱25 minimum fare sa poblacion area upang maiwasan ang kalituhan sa pagitan ng mga pasahero at driver.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi nito na bagama’t aprubado na ang nasabing panukala, mahalaga pa ring makumpleto ang legal na proseso bago ito tuluyang maipatupad.
Ayon kay Mallillin, eksklusibo lamang para sa mga rutang sakop ng poblacion area ang ₱25 minimum fare. Hindi pa kabilang dito ang mga biyaheng nasa labas ng poblacion na maaari pang sumailalim sa hiwalay na pag-aaral at regulasyon.
Dagdag pa niya, may hiwalay ding fare categories para sa ilang sektor, kung saan ₱20 ang minimum fare para sa mga estudyante at senior citizen, habang ₱15 naman para sa mga person with disabilities (PWDs).
Iginiit niya na kinakailangang hintayin muna ang implementing guidelines upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng bagong fare matrix at maiwasan ang posibleng hindi pagkakaunawaan sa hanay ng mga pasahero.
Samantala, nananatiling hamon para sa mga tricycle driver sa Lungsod ng Cauayan ang ipinatutupad na minimum fare dahil patuloy silang naaapektuhan ng pabago-bagong presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa ilang tsuper, epektibo lamang ang kasalukuyang pamasahe kung nasa pagitan ng ₱71 hanggang ₱100 ang presyo ng gasolina, habang maaari rin umanong ibaba ang minimum fare kung babagsak ito sa ₱50 hanggang ₱70.
Sinabi rin ng mga driver na hinihintay na lamang nila ang opisyal na taripa bilang konkretong batayan sa mga pasahero hinggil sa bagong minimum fare.
Ayon kay Michael Vicente, malaking tulong ang aprubadong dagdag-pasahe, lalo na sa mga driver na araw-araw na naaapektuhan ng paggalaw ng presyo ng gasolina.
Gayunpaman, iginiit niya na magiging mas maayos ang implementasyon nito kung agad na magkakaroon ng opisyal na fare matrix upang maiwasan ang kalituhan at posibleng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga driver at pasahero.











