Dumadaing ng karagdagang tulong ang magulang ng isang batang nahulog umano mula sa bubong ng isang gusali sa loob ng Rang-ayan Elementary School sa Mallig, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Baby Jane Laggui, ina ng bata, sinabi niyang naganap ang insidente noong Marso 5. Ayon sa kanya, inutusan umano ng adviser ang kaniyang anak na umakyat sa bubong upang maglinis. Makalipas ang ilang sandali, umalis umano ang guro at doon na nahulog ang bata.
Agad namang dinala ang bata sa isang pagamutan sa Santiago City. Dahil sa tindi ng tinamong pinsala sa kaniyang braso, kinailangan umano itong sumailalim sa operasyon. Nagbigay naman umano ang adviser ng ₱2,000 sa lola ng bata na kasama nito sa ospital upang makatulong sa gastusin. Gayunman, naantala umano ang operasyon dahil natakot ang bata na sumailalim sa procedure kaya umuwi na lamang sila matapos pumirma ng waiver ang lola nito.
Kalaunan, muli itong ipinasuri ipina-xray sa isang pagamutan sa Roxas, Isabela at dahil sa hindi pa umano pwedeng operahan ang bali nito ayon sa Doktor ay binigyan na lang ito ng gamot.
Subalit dahil lumalala ang injury ng bata ay muli itong dinala sa Tugeuegaro City at dito na siya inoperahan kinailangang lagyan ng stainless implant ang kaniyang braso. Ayon sa ina, umabot sa humigit-kumulang ₱15,000 ang kanilang naging gastusin.
Sinabi rin ng ina na ayon umano sa principal, umabot sa kabuuang ₱20,000 ang inilaan na tulong para sa pagpapagamot ng kaniyang anak. Gayunman, iginiit niyang hindi niya natanggap ang buong halaga.
Aniya, sa unang ayuda na nagkakahalaga ng ₱4,200, ₱2,200 umano ang kinuha ng adviser para sa meryenda ng mga rescuer, habang ang natitirang ₱2,000 ay ibinayad sa ospital sa Santiago City.
Sa ikalawang financial assistance na nagkakahalaga ng ₱5,000, sinabi ng ina na ang adviser umano ang humawak ng pera at ₱600 na lamang ang naibigay sa kaniya.
Nagkaroon na rin umano ng pag-uusap sa barangay sa pagitan ng guro at ng ina ng bata. Nais sana ng ina na mabayaran ang kabuuang ₱15,000 na ginastos sa operasyon, subalit sinabi umanong hindi ito kayang sagutin ng kabilang panig. Sa huli, nagbigay umano sila ng ₱6,600 at napagkasunduan na sasagutin ng paaralan ang pagpapagamot ng bata hanggang sa ito ay tuluyang gumaling.
Noong Hulyo 17, bumalik ang bata sa Tuguegarao City para sa follow-up checkup. Ayon sa ina, humingi siya ng tulong para sa pamasahe ngunit ₱500 lamang umano ang ibinigay, na aniya ay hindi sapat para sa kanilang biyahe.
Sa sumunod na follow-up checkup, sinabi ng ina na nagreklamo umano ang principal dahil wala na raw natitirang pondo ang paaralan. Dagdag pa niya, sinabi umano ng principal sa isang guro na manghingi na lamang ng donasyon sa mga estudyante, kahit tigpipiso bawat isa, para sa gastusin ng kaniyang anak, bagay na ikinasama naman ng kaniyang loob.
Iginiit ng ina na ang tanging hiling niya ay huwag talikuran ng paaralan ang responsibilidad sa sinapit ng kaniyang anak, lalo na’t naganap ang insidente sa loob mismo ng paaralan at habang nasa pangangalaga ng mga guro.
Samantala, pinabulaanan ni Dr. Randy Reyes, principal ng Rang-ayan Elementary School, ang ilang alegasyon ng ina ng batang nahulog mula sa bubong ng paaralan, kabilang ang umano’y pag-uutos ng guro sa bata na umakyat sa bubong at ang umano’y kakulangan ng tulong na ibinigay ng paaralan.
Ayon kay Reyes, sinabi umano mismo ng bata matapos ang insidente noong Marso 5 na hindi siya inutusang umakyat sa bubong at naglalaro lamang ito nang mahulog. Aniya, agad na isinugod ng paaralan ang bata sa Rural Health Unit sa Mallig bago ito i-refer sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City, ngunit umuwi umano ang pamilya matapos lumagda sa waiver.
Nang muling ipinasuri sa isang pagamutan sa Roxas ang bata ay hindi na ito inoperahan bagay na ikinatuwa nito subalit nagulat na lamang umano siya nang malamang inoperahan sa Tuguegarao City ang bata nang hindi naipapaalam sa kaniya.
Ayon pa kay Reyes, nagkaroon ng pag-uusap sa barangay kung saan napagkasunduang magbigay ang paaralan ng ₱6,600 bilang tulong sa naging gastusin ng pamilya sa operasyon at ipagpatuloy ang pagbibigay ng suporta sa mga susunod na checkup at iba pang gastusing medikal.
Iginiit niya na umabot na sa ₱21,400 ang kabuuang naibigay na tulong ng paaralan, kabilang ang financial assistance para sa pagpapa-checkup, gamot, medical supplies at pamasahe, batay umano sa mga acknowledgment receipt na pirmado ng ina ng bata.
Itinanggi rin ni Reyes ang alegasyong nagsagawa ng solicitation sa mga mag-aaral para sa pagpapagamot ng bata. Aniya, bawal ang naturang gawain at ang lahat ng naibigay na tulong ay mula umano sa sariling ambagan ng mga guro at school personnel.
Kaugnay naman sa alegasyong hindi umano nakarating sa ina ang buong halaga ng ilang financial assistance, sinabi ni Reyes na wala siyang personal na kaalaman dito dahil ang mga pondong inilabas niya ay may katumbas umanong pirmadong resibo ng pagtanggap.
Sa huli, tiniyak ni Reyes na hindi tumanggi ang paaralan sa pagtulong at nananatili umano silang handang umalalay sa pagpapagamot ng bata hanggang sa tuluyan itong gumaling.








