Patay ang isang 45-anyos na babae habang tatlo pa ang nasugatan matapos mawalan umano ng kontrol ang driver ng isang pampasaherong bus dahil sa hinihinalang mechanical malfunction at masangkot sa aksidente sa kahabaan ng Santiago City–Tuguegarao Road sa Barangay Rizal, Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Melchor Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit ng Santiago City Police Office, sinabi nitong bandang alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa harap ng Santiago Medical City Hospital.
Batay sa imbestigasyon, patungong city proper ang pampasaherong bus na minamaneho ng isang 42-anyos na residente ng Peñablanca, Cagayan nang makasalubong nito ang isang Toyota Hilux pickup na minamaneho ng isang 51-anyos na miyembro ng Philippine National Police na nakatalaga sa Santiago City Police Office at residente ng Tuguegarao City.
Kasabay nito, kasalukuyang tumatawid sa pedestrian lane ang isang 45-anyos na babae kasama ang kanyang isang taong gulang na anak na kapwa residente ng Alfonso Lista, Ifugao.
Ayon kay PMaj. Aggabao, pagdating ng bus sa lugar ng insidente ay nakaranas umano ito ng problema at nawalan ng kontrol bago bumangga sa pader ng ospital. Dahil sa lakas ng impact, umikot pa ang bus at nahagip ang kasalubong na pickup.
Nagtamo ng sugat ang dalawang pasahero ng bus: isang 57-anyos na babae mula Solana, Cagayan at isang 72-anyos na residente ng Santiago City, maging ang mag-inang pedestrian na agad isinugod sa Santiago Medical City Hospital. Kalaunan ay idineklarang patay ang 45-anyos na babae habang nananatili pa rin sa intensive care unit ang kanyang isang taong gulang na anak at patuloy na inoobserbahan dahil sa mga natamong sugat.
Ayon pa kay Police Major Aggabao, base sa nakuhang CCTV footage, kabilang ang pamilya sa mga naghintay muna matapos ang pag-ulan bago nagtangkang tumawid sa pedestrian crossing.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga sangkot na sasakyan at ang driver ng bus habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon. Nakikipag-ugnayan na rin ang kumpanya ng bus sa mga naapektuhang biktima.
Nagpaalala naman ang pulisya sa mga driver at operator na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan at maging mas maingat sa pagmamaneho lalo na kapag maulan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.









