Patay ang babaeng angkas sa motorsiklo matapos umanong mabangga ng sasakyan na minamaneho ng kanyang asawa sa Barangay Kauswagan, Cagayan de Oro City, Misamis Oriental.
Ayon sa Cagayan de Oro City Police Office o COCPO, nasa ilalim ng sasakyan ang motorsiklo matapos ang insidente. Nasawi ang babaeng angkas habang kritikal naman ang kondisyon ng driver ng motorsiklo.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, asawa ng biktima ang driver ng sasakyang bumangga sa motorsiklo.
Ayon sa mga kaanak, madalas umanong nag-aaway ang mag-asawa at hindi na maayos ang kanilang relasyon, ngunit patuloy pa rin silang nagsasama sa iisang bahay.
Naaresto ng mga pulis ang suspek na posibleng maharap sa kasong parricide at serious physical injuries.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang suspek at ayon sa pulisya, hindi ito nakikipagtulungan sa kanilang imbestigasyon.











