Aminado ang pamahalaang lungsod ng Cauayan na naapektuhan ng mataas na inflation, partikular ang pagtaas ng presyo ng langis at construction materials, ang implementasyon ng ilang imprastrakturang proyekto sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., sinabi niya na may mga proyekto na pansamantalang naantala dahil hindi na tugma ang dating nakalaang pondo sa kasalukuyang presyo ng mga materyales tulad ng semento at bakal.
Ayon sa alkalde, nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa mga contractor upang maayos ang implementasyon ng mga proyekto at matiyak na maipagpapatuloy ang mga ito.
Dagdag pa niya, may mga proyekto rin mula sa pambansang pamahalaan na hinihintay pa ang pondo, na isa rin sa dahilan ng pagkaantala ng ilang development works.
Sa kabila nito, tiniyak ni Mayor Dy na marami pa ring proyektong nakahanay ngayong taon kabilang na ang pagsasaayos ng mga approach ng tulay upang maiwasan ang pagkasira o pagbitak ng mga kalsada na konektado sa mga ito.
Sinabi rin niya na may inilaan na humigit-kumulang 65 milyong piso para sa mga road projects kabilang ang reblocking o pagkukumpuni ng mga sirang kalsada sa lungsod.
Kabilang din sa mga prayoridad ng lokal na pamahalaan ang pagpapatuloy ng bypass at diversion road projects na inaasahang makatutulong sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko sa lungsod.
Samantala, kabilang din sa mga nakatakdang proyekto ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga barangay hall at community centers sa iba’t ibang barangay na nangangailangan ng modernisasyon.









