Bahagyang tumaas ang inflation rate sa Lalawigan ng Isabela nitong Hulyo 2026 matapos umakyat sa 4.8 porsyento mula sa 4.7 porsyento na naitala noong Hunyo 2026, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA)-Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Julius Emperador ng PSA-Isabela, sinabi nito na mas mataas ng 0.1 percentage point ang inflation rate ngayong Hulyo kumpara noong Hunyo. Aniya, pangunahing nakaapekto sa pagtaas ng inflation ang presyo ng mga produkto at serbisyo, kabilang ang housing, tubig, kuryente at iba pang commodity groups.
Ayon pa kay Emperador, malaking pagbabago rin ang naitala kumpara noong Hulyo 2025 kung saan nasa -0.2 porsyento lamang ang inflation rate ng lalawigan. Ibig sabihin, umakyat ito ng 5.0 percentage points sa loob ng isang taon at nagpapakita ng mas mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Isabela.
Dahil dito, mas ramdam ng mga mamimili ang epekto ng pagmahal ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, transportasyon, elektrisidad at iba pang gastusin ng mga pamilya.
Bagama’t hindi direktang kontrolado ang galaw ng inflation, sinabi ni Emperador na patuloy ang koordinasyon ng PSA sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang mabantayan ang mga salik na nakaaapekto sa presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lalawigan.
Aniya, dumalo sa isinagawang press conference ng PSA-Isabela sa Ilagan City nitong Agosto 12, 2026 ang ilang ahensya tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), subalit wala umanong kinatawan mula sa mga electric cooperative.
Patuloy namang mino-monitor ng PSA-Isabela ang galaw ng inflation sa buong lalawigan upang masubaybayan ang epekto nito sa pang-araw-araw na gastusin ng mga Isabelino.










