Nakatakdang magsagawa ng kauna-unahang trilateral meeting sina Chinese President Xi Jinping, Russian President Vladimir Putin at US President Donald Trump sa Shenzhen, China ngayong Huwebes, Nobyembre 19, sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation o APEC Summit.
Kabilang sa inaasahang tatalakayin ng tatlong lider ang pagbabawas ng nuclear weapons, digmaan sa Iran, kalakalan at iba pang usaping pandaigdig. Gayunman, hindi pa tiyak kung mapag-uusapan ang giyera sa Ukraine dahil magkakaiba ang pahayag ng mga opisyal hinggil sa agenda ng pagpupulong.
Tinatayang isang oras ang inilaan para sa naturang pagpupulong, habang hindi pa malinaw kung magkakaroon ng magkasanib na pahayag ang tatlong bansa matapos ang pag-uusap.
Samantala, sa pagbubukas ng APEC Summit, nanawagan si Xi Jinping sa mga lider ng 21 kasaping ekonomiya na palakasin ang malaya at bukas na kalakalan, pag-unlad ng teknolohiya at kooperasyon sa rehiyon ng Asia-Pacific.
Binigyang-diin din ni Russian President Vladimir Putin ang kahalagahan ng pagkakaisa at kooperasyon ng mga kasaping ekonomiya, habang ipinahayag naman ni Trump ang inaasahan niyang mga bagong kasunduan sa kalakalan.





