Bumagal ang inflation rate sa lalawigan ng Isabela noong Hunyo 2026 matapos itong bumaba sa 4.7% mula sa 5.2% noong Mayo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Julius Emperador, Chief Statistical Specialist ng PSA Isabela, sinabi nitong bagama’t mataas pa rin ang inflation, ang pagbaba nito ay nangangahulugang mas mabagal na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo kumpara sa nakaraang mga buwan.
Gayunman, sinabi ni Emperador na mas mataas pa rin ang inflation rate ngayong Hunyo kumpara sa 0.7% na naitala sa kaparehong buwan noong 2025.
Ayon pa sa PSA, ang average inflation rate ng Isabela mula Enero hanggang Hunyo 2026 ay nasa 2.8%, na nagpapakita ng pangkalahatang pagbagal ng inflation sa unang kalahati ng taon.
Sinabi ni Emperador na ang transportasyon ang pangunahing dahilan ng inflation noong Hunyo, na nagtala ng 88.9% inflation rate, kung saan malaking bahagi nito ang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Bukod sa transportasyon, malaking ambag din sa inflation ang food and non-alcoholic beverages, na nagtala ng 2.6% inflation rate at may 35.3% bahagi sa kabuuang inflation ng lalawigan.
Sa pagtaya para sa Hulyo, sinabi ni Emperador na inaasahan pa rin ang mabagal na pagtaas ng inflation, subalit maaari itong maapektuhan ng kakulangan sa suplay ng tubig dulot ng El Niño, na posibleng makaapekto sa produksyon ng pagkain.
Dagdag pa niya, maaari ring magkaroon ng epekto sa presyo ng mga produktong petrolyo ang nagpapatuloy na tensyon at kaguluhan sa ibang bansa, na nakaaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.
Sinabi rin nito na ang target inflation rate national Government ay 2.4% at bagama’t lampas pa rito ang inflation ng Isabela noong Hunyo, umaasa ang PSA na sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng pamahalaan ay mapapababa pa ito sa mga susunod na buwan.
Tiniyak din nito sa publiko na batay sa kanilang mga ulat at datos mula sa iba pang ahensya, nananatiling sapat ang suplay ng pagkain sa Isabela hanggang sa katapusan ng 2026, kaya hindi dapat mabahala ang mga residente sa posibleng kakulangan ng pagkain sa lalawigan.









