CAUAYAN CITY – Isa ang patay habang isa rin ang nasugatan matapos na mabangga ng isang delivery truck ang kinalululanan nilang motorsiklo sa national highway sa bahagi ng Apanay, Alicia, Isabela.
Ang nasawi ay si Fedirico Rico, 31 anyos, may live-in partner, freelance employee habang ang nasugatan ay si Shiela Mae Rodillas, 23 anyos kapwa residente ng Barangcuag, Angadanan, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Alicia Police Station, galing sa bayan ng Alicia ang mga biktima at pauwi na sa Angadanan, Isabela nang mangyari ang aksidente.
Bigla umanong nag-overtake ang nakasalubong nilang delivery truck kaya nasapol ang kinalululanan nilang motorsiklo.
Pumailalim ang motorsiklo ng mga biktima at nagulungan si Rico na naging dahilan ng malubhang sugat sa ibabang bahagi ng kanyang katawan.
Itinakbo pa siya sa ospital ng mga tumugon na miyembro ng Rescue Alicia subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Nasugatan naman sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang angkas nito na dinala rin sa isang ospital sa Alicia, Isabela.
Hindi naman tumigil ang delivery truck at nakita na lamang ng mga otoridad na inabandona ito sa Minanga, Angadanan, Isabela.
Tumakas ang hindi pa nakikilalang tsuper ng sasakyan at tinutugis na ng pulisya.
Ang delivery truck ay may lulang crates ng manok.
Sa ngayon ay dinala na ito sa Alicia Police Station.