Naniniwala si House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ginagamit lamang na “pantakip” ang muling pagbuhay sa imbestigasyon ng flood control controversy upang mailihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Adiong, nakapagtataka kung bakit minamadali ang isyung ito gayong may mga kaso na namang naisampa ang Department of Justice at Office of the Ombudsman ukol dito.
Iginiit niya na lumilikha lamang ng “political noise” ang bagong Senate majority bloc upang tabunan ang nalalapit na pagdinig ng Bise Presidente.
Kinuwestiyon din niya, gaya ng hirit ni Senate Minority Leader Tito Sotto, ang pagbuo ng subcommittee para sa imbestigasyon nang hindi dumadaan sa plenaryo, na tila konektado rin sa minadali umanong pag-amyenda sa online voting rules para sa nakalalayong si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.











