Nasunog ang ilang bahagi ng tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) sa Cauayan City ngayong umaga ng Hunyo 1, dahilan upang pansamantalang maapektuhan ang operasyon nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jesalee Saranay, Supervising Professional Regulations Officer ng PRC Cauayan, sinabi niya na dakong alas-5:00 ng umaga nang dumating sa opisina ang isa sa kanilang tauhan at napansin ang sunog sa loob ng tanggapan.
Agad siyang humingi ng tulong at nakipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP), na mabilis namang rumesponde upang maapula ang sunog.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente at ang lawak ng pinsalang idinulot nito sa tanggapan.
Samantala, pinayuhan ni Saranay ang mga kliyenteng may nakatakdang transaksyon sa PRC Cauayan na pansamantalang magtungo sa PRC Santiago upang maipagpatuloy ang kanilang mga transaksyon at maiwasan ang abala.
Tiniyak din niya na nananatiling ligtas ang mahahalagang dokumento at rekord ng kanilang tanggapan.









