--Ads--

Arestado sa drug buy-bust operation ang isa sa mga sangkot sa shooting incident sa Nungnungan 2, Cauayan City, Isabela noong ika-12 ng Marso 2026 na ikinasawi ng isang tricycle driver.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Jerry Castillo, Officer-in-charge ng Cauayan City Police Station, ang suspek ay isang tricycle driver at nasamsaman ng mahigit kumulang isang kilong marijuana at may standard drug price na ₱120,000.

Maliban sa ilegal na droga ay nakuha rin sa kaniyang pag-iingat ang ilang piraso ng bala ng baril.  

Aniya, ang suspek ay una nang nakasuhan sa kasong pagpaslang sa kapwa nito tricycle driver noong gabi ng Marso 12 at inaantay na lamang ang warrant of arrest na ilalabas ng korte laban sa kaniya at sa limang iba pa na kabilang sa nagplano at pumaslang sa biktima.

--Ads--

Maliban dito ay mahaharap din ito sa karagdagang kaso na may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Batay sa imbestigasyon, ang dahilan ng pagpaslang ay maaaring may kaugnayan din umano sa ilegal na droga.

Ayon aniya sa mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit, ilang taon na ring sangkot sa ilegal na droga ang suspek.

Tinitingnan din ng mga awtoridad ang ugnayan ng suspek sa mga naunang high value individual na naaresto rin sa kaparehong kaso kamakailan upang tuluyan nang maputol at masugpo ang kalakalan ng illegal na droga sa lungsod.