Naaresto na ng mga otoridad ang isang suspek kaugnay ng hit-and-run incident na naganap sa Brgy. Minante 2, Cauayan City, Isabela noong gabi ng Marso 10, 2026.
Ang suspek ay isang 23-taong gulang na lalaki, kinilala sa alyas na “Roger,” technician ng isang internet provider at residente ng Brgy. Rizal, Roxas, Isabela. Ayon sa ulat, ang drayber ng van sa insidente ay ang kanyang biyenang lalaki.
Matatandaang nasawi ang isang 17-anyos na si Frederick Valiente matapos mabangga ng van sa Brgy. Minante 2. Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ang biktima ng malubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos itong makaladkad kasama ng kanyang motorsiklo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Roger na pauwi na siya mula sa trabaho nang magpasundo sa kanya ang biyenang babae at lalaki, kasama ang kanyang nobya at isang bata, sa Echague, Isabela. Habang pauwi ng Roxas, Isabela, nagpumilit ang biyenan na siya na ang magmaneho ng van, na kanilang hiniram mula sa boardinghouse, kahit na nakainom ito ng alak.
Ayon kay Roger, wala na siyang nagawa kaya hinayaan na lamang ang biyenan. Nang makarating sa Minante 2, Cauayan City, hindi napansin ng biyenan ang motorsiklong kanilang sinusundan, na naging dahilan ng aksidente. Bumaba umano sila upang tingnan ang nangyari ngunit dahil sa takot ay agad silang umalis sa lugar. Pagkatapos ng insidente, nagpumilit na si Roger na siya na lamang ang magmaneho ng sasakyan.
Pinagsisisihan naman umano nito ang nangyari at sinabi niyang balak na sana niyang sumuko, ngunit hinintay muna niya ang pagbaba ng tensyon ngunit nadakip na ng pulisya.
Handa rin naman umano siyang harapin ang anumang magiging desisyon ng pamilya ng biktima.
Samantala, nakatakda na rin umanong sumuko ngayong araw ang drayber ng puting van na direktang sangkot sa naturang aksidente.











