Nadakip ng mga operatiba ng Highway Patrol Group (HPG) ang isang 38-anyos na lalaki na wanted sa kasong carnapping na nagmula sa Cauayan City, Isabela, sa isinagawang operasyon sa Barangay Humingan, Pangasinan.
Ayon kay PMAJ. Rey Sales, Provincial Officer ng HPG Isabela, nag-ugat ang kaso sa umano’y pagkakasangkot ng suspek sa pagnanakaw ng isang Honda FS 150 motorcycle.
Sinabi ni Sales na isinampa ang kaso alinsunod sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 sa Regional Trial Court Branch 19 sa Cauayan City.
Matapos nito, naglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa suspek na naging dahilan upang magsagawa ang HPG ng follow-up investigation at intelligence operations para matukoy ang kinaroroonan nito.
Natunton umano ang suspek sa bahay ng kaniyang kapatid sa Pangasinan matapos ang isinagawang intelligence build-up ng mga operatiba.
Paliwanag ni PMAJ. Sales, karaniwang nagsasagawa sila ng backtracking upang matukoy ang kinaroroonan ng mga wanted person na nagtatago sa ibang lugar o nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak.
Matapos ang pagkakaaresto, dinala ang suspek sa kustodiya ng HPG bago ito itinurn-over sa korte na naglabas ng warrant of arrest.
Naglabas naman ang korte ng commitment order kaya kasalukuyan na itong nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Cauayan City.
Samantala, hinimok ang mga indibidwal na may kinakaharap na kaso na harapin ang mga ito at huwag takasan ang proseso ng batas.
Nagpaalala rin siya sa publiko na tiyaking ligtas ang kanilang mga motorsiklo at iba pang sasakyan, partikular sa gabi, sa pamamagitan ng paglalagay ng karagdagang seguridad at pagparada sa loob ng bakuran upang maiwasan ang carnapping.











