Tinalakay sa committee hearing ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan City, kahapon, Oktubre 26 ang patuloy na pagdami ng mga kaso ng pickpocketing at shoplifting sa mga pampublikong lugar at pamilihan sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Benjie Balauag, Barangay Tagaran, sinabi niyang kabilang sa mga isyung lumutang sa hearing ang umano’y pagkakasangkot ng ilang kabataan o menor de edad sa mga naturang insidente.
Ayon kay Balauag, nakapagtala na rin ng kahalintulad na mga insidente sa kanilang barangay kaya agad nilang pinaigting ang barangay patrolling, na naging epektibo naman upang pansamantalang mapigilan ang mga nakawan sa loob ng ilang buwan.
Dahil dito, idinulog ng mga opisyal ng barangay ang problema sa pamahalaang panlungsod upang makabuo ng mas malawak at pangkalahatang solusyon.
Bilang tugon, hinikayat ang mga barangay na paigtingin ang kanilang barangay patrolling, habang makikipagtulungan ang PNP Cauayan sa pagpapatupad ng mas mahigpit na 24/7 police visibility sa mga crime hotspot, pampublikong pamilihan at iba pang establisimyento sa lungsod.











