Nasawi ang isang estudyante matapos maaksidente habang sakay ng kanyang motorsiklo sa kahabaan ng provincial road sa Brgy. Centro 2, Angadanan, Isabela nitong Biyernes ng hapon, Mayo 15.
Ang biktima ay isang 20-anyos na lalaki, lulan ng kulay gray at itim na Yamaha NMAX, at residente ng Brgy. La Suerte, Angadanan, Isabela.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-3:45 ng hapon nang binabagtas ng biktima ang kalsada patungong Brgy. La Suerte.
Pagdating sa isang matarik at pakurbang bahagi ng daan sa Brgy. Centro 2, nawalan umano ito ng kontrol sa manibela kaya bumagsak at sumalpok sa kanang bahagi ng outer lane ng kalsada.
Agad na rumesponde ang Rescue 115 ng Angadanan at isinugod ang biktima sa Angadanan Integrated Community Hospital, ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Angadanan Police Station ang motorsiklo para sa kaukulang disposisyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.











