--Ads--

Patuloy pang inaayos ng Isabela Electric Cooperative o Iselco 1 ang listahan ng mga benepisyaryo ng Lifeline Rate Subsidy matapos makatanggap ng iba’t ibang katanungan at kahilingan mula sa kanilang mga consumer-members, partikular na ang mga kabilang sa 4Ps Program.

Ang Lifeline Rate Subsidy ay isang diskwento sa bayarin sa kuryente na ipinagkakaloob sa mga kwalipikadong low-income household consumers upang makatulong sa kanilang buwanang konsumo ng kuryente, alinsunod sa patakaran ng Energy Regulatory Commission o ERC.

Sa ilalim ng umiiral na guidelines ng ERC, ang mga konsumer na may konsumo na mula 0 hanggang 50 kilowatt-hour ay maaaring makatanggap ng hanggang 100 percent discount sa kanilang electricity charges basta’t kabilang sila sa mga kwalipikadong benepisyaryo gaya ng mga 4Ps household at iba pang low-income consumers.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Mark Bernabe, Billing Section Head ng ISELCO 1, sinabi niya na patuloy pa nilang bina-validate at ina-update ang listahan ng mga benepisyaryo dahil hindi pa umano updated ang listahang ipinapasa sa kanila ng DSWD.

--Ads--

Ipinaliwanag nito na hindi maaaring basta na lamang magdagdag ng pangalan sa listahan hangga’t walang direktibang inilalabas ang ERC.

Dahil dito, sinabi ni Bernabe na wala silang kapangyarihang agad isama sa subsidy program ang mga nais mapabilang kahit pa kabilang ang mga ito sa 4Ps beneficiaries.

Dagdag pa nito, marami umanong 4Ps members ang tumatawag sa kanilang tanggapan upang magtanong at magrequest na maisama sa listahan ng mga benepisyaryo ng Lifeline Rate Subsidy.

Gayunman, nilinaw niya na kinakailangan pa ring sundin ang opisyal na proseso at guidelines ng ERC bago maisama ang sinuman sa programa.

Tiniyak naman ng pamunuan ng ISELCO 1 na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang masigurong ang mga tunay na kwalipikadong consumers lamang ang makatatanggap ng nasabing subsidy.