--Ads--

Tinanggihan ng Israel ang 15-point peace plan para sa Gaza na inihain ng administrasyon ni US President Donald Trump, ayon kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.

Sinabi ni Netanyahu na hindi aalis ang mga puwersang Israeli sa Gaza hangga’t hindi ganap na nadidismantle at nadidisarmahan ang grupong Hamas. Aniya, may ilang bahagi ng panukala na hindi katanggap-tanggap para sa kanilang pamahalaan dahil sa mga usaping may kinalaman sa seguridad ng Israel.

Ang 15-point plan ay naglalayong maglatag ng hakbang tungo sa kapayapaan sa Gaza, kabilang ang phased withdrawal ng mga tropang Israeli kapalit ng pagdidisarma sa Hamas at iba pang political arrangements sa lugar.

Sa kabila ng pagtanggi ng Israel, nagpapatuloy pa rin ang mga pag-uusap sa pagitan ng Washington at Tel Aviv hinggil sa posibleng paraan upang wakasan ang sigalot sa Gaza.

--Ads--

Ang hakbang ng Israel ay itinuturing na bihirang pampublikong hindi pagkakasundo sa pagitan ni Netanyahu at ni Trump kaugnay ng direksyon ng usapang pangkapayapaan sa Gitnang Silangan.