--Ads--

Nagpahayag ng pagkagulat ang mag-asawang sina Rhea Lyn Woolis at Owen Woolis, Bombo International News Correspondents mula sa Puerto Rico, sa naging resulta ng 75th Miss Universe, kung saan inaasahan nilang mas mataas ang magiging puwesto ng pambato ng Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa mag-asawang Woolis, sinabi nilang inaasahan nilang magtatapat sa Top 2 ang Pilipinas at Puerto Rico dahil sa ipinakitang performance ng mga kandidata.

Ayon kay Owen, pinakamaganda ang naging sagot ni Windorski sa question-and-answer portion sa limang finalists, at kapansin-pansin ang malakas na suporta ng mga tao sa arena matapos marinig ang kaniyang sagot.

Sinabi naman ni Rhea na inaasahan nilang makukuha ni Windorski ang First Runner-Up o Miss Universe title kaya hindi nila alam kung paano magre-react nang tawagin itong Third Runner-Up.

--Ads--

Dagdag pa ng mag-asawa, lahat ng finalists ay magaganda, matatalino at handang gampanan ang responsibilidad bilang Miss Universe. Binigyang-diin din ni Owen na natatangi ang kandidata ng Puerto Rico dahil isa itong may-asawa at ina na.

Para sa kanila, nararapat na maging susunod na Miss Universe ang isang babaeng kayang magsilbing inspirasyon at role model sa mga kabataan, magbigay-kapangyarihan sa iba at maging instrumento ng pagbabago.

Samantala, sinabi ni Rhea na hindi dapat tawaging cooking show ang kompetisyon o balewalain ang resulta nito dahil pinaghirapan ng bawat kandidata ang kanilang performance. Posible umanong may mga pagkukulang ang Pilipinas sa ilang bahagi ng kompetisyon kaya hindi nito nakuha ang korona.