Nanguna si Ivan Anisnov ng LCW UAE Cycle sa stage 5 ng MPTC Tour of Luzon sa record na 02:47:26. (2 hours, 47 minutes, and 26 seconds)
Ganap na alas-9 ng umaga nitong Linggo nang magsimula ang karera sa Santiago City at nagtapos hanggang sa Tuguegarao City sa Cagayan.
Nasa 13 grupo ang kalahok sa naturang karera, hindi pa kabilang rito ang mga solo cyclist na hindi lamang mga Pinoy kundi mayroon ding mga banyaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dinah Remolacio, Chief Operating Officer ng Tour of Luzon, sinabi niya na ikinatuwa nito ang mainit na pagtanggap ng lahat ng local government unit na nadadaanan ng kanilang team.
Aniya, sa bawat LGU na kanilang madaanan ay marami ang sumasalubong at nagbibigay ng pagkain sa mga cyclist at sa mga kabahagi ng aktbidad.
Binigyang-diin nito na malaki malaki ang maitutulong ng tour of Luzon sa turismo ng bansa pangunahin na sa 13 probinsya sa limang Rehiyon ng Luzon kung saan naitatampok rito ang mga naggagandahang tanawin.
Sa tulong din aniya ng ganitong event ay nare-revitalized ang ekonomiya sa maliliit na lugar sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga maliliit na negosyante.
Samantala, inihayag naman ni PMaj. Jay-ar Olya-on, Chief of Police ng Ramon Police Station na naging maayos ang pagdaan ng mga participants ng Tour of Luzon sa kanilang nasasakupan.
Aniya, sa tulong ng LGU Ramon, Barangay Officials at iba pang mga concerned offices ay nagawa nilang mapahinto ang movement ng traffic dakong 9:07 ng umaga kung saan opisyal na nakapasok sa kanilang area of responsibility ang mga siklista.
Kabilang ang bayan ng Ramon sa natukoy bilang critical na lugar na dadaanan ng naturang karera dahil sa dami ng mga intersections sa lugar.
Dahil dito ay nag-deploy ng mahigit 80 barangay officials ang PNP upang magbantay sa mga intersections nang sa ganoon ay maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.







