Naging matagumpay, mapayapa, at walang naitalang anumang untoward incident sa katatapos lamang na Stage 5 ng MPTC Tour of Luzon na dumaan sa lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO3 Ronnie Manzano Jr. ng BFP Santiago City, sinabi niya na naging maayos ang kanilang deployment kung saan nagtalaga ng walong personnel para sa Emergency Response at Crowd Control Team.
Ang naturang grupo ay idineploy sa mga kritikal na bahagi ng ruta upang mabilis na makatugon sa mga sakuna at matiyak na hindi makakasagabal ang mga manonood sa mga siklista.
Sa isinagawang post-assessment ng mga awtoridad, opisyal na kinumpirma na naging “zero incident” ang kompetisyon sa loob ng hurisdiksyon ng Santiago City at mga karatig-bayan. Malaki aniya ang naging kontribusyon ng kooperasyon ng publiko at ng mga lokal na pamahalaan, lalo na sa pagsunod sa mga traffic rerouting at road closures na nagbigay-daan sa mabilis na usad ng karera.











