Iginiit ng Department of Tourism (DOT) Region 2 na malaking oportunidad ang pagdaan ng MPTC Tour of Luzon sa Lambak ng Cagayan upang maipakita ang turismo at kagandahan ng rehiyon sa mas malawak na audience, kabilang na ang international community.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Troy Alexander Miano ang regional director ng nasabing ahensiya, sinabi nitong ikinagagalak ng kanilang tanggapan na naisama ang Region 2 sa naturang prestihiyosong cycling event na matagal nang kinikilala sa bansa. Aniya, nagsimula ang karera noong Abril 29 sa Calatagan, Batangas at dadaan sa Santiago City ngayong araw bilang isa sa mga pangunahing stopover bago tumuloy sa Tuguegarao City at iba pang bahagi ng Hilagang Luzon.
Ayon kay Dr. Miano, puspusan ang naging paghahanda ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa rehiyon, kabilang ang Nueva Vizcaya, Isabela, at Cagayan, upang matiyak ang kaligtasan at maayos na daloy ng aktibidad.
Binanggit din nito na kabilang sa mga tinutukan ang seguridad, traffic management, at koordinasyon sa mga ahensya tulad ng pulisya, BFP, at DRRMO upang maiwasan ang anumang aberya sa ruta ng mga siklista.
Binigyang-diin pa ng opisyal na hindi lamang paligsahan ang layunin ng MPTC Tour of Luzon kundi pagkakataon din ito upang maipakita ang hospitality ng mga taga-Region 2.
Tinatayang mahigit 500 katao ang bahagi ng caravan, kabilang ang mga siklista, coaches, at media personnel na magsisilbing tulay upang maipakilala ang rehiyon sa pambansa at pandaigdigang antas.
Dagdag pa niya, bagamat panandalian lamang ang pananatili ng mga kalahok sa bawat lugar, mahalaga pa rin na maranasan nila ang mainit na pagtanggap ng mga lokal na komunidad upang mahikayat silang muling bumalik at tuklasin ang iba pang destinasyon sa Lambak ng Cagayan.
Aniya, ang ganitong uri ng “experiential tourism” ang layon ng kanilang tanggapan upang mas mapalakas ang turismo sa rehiyon.











