Tuluyan nang napawalang-bisa ng korte ang kasal ng actress-content creator na si Jelai Andres at ng kanyang dating asawa na si Jon Gutierrez.
Ibinahagi ni Jelai ang balita sa kanyang pinakabagong vlog sa YouTube kung saan emosyonal niyang ipinaalam sa kanyang pamilya at malalapit na kaibigan ang desisyon ng korte na nagdeklara ng kanilang kasal bilang walang bisa.
Sa vlog, makikitang nagulat at naging emosyonal ang kanyang mga kaibigan nang malaman ang magandang balita. Kabilang sa mga nakasama niya sa pagdiriwang sina Buboy Villar, Donnalyn Bartolome, Kim Rodriguez, at Jhane Santiaguel.
Ayon kay Jelai, isa sa mga dahilan kung bakit niya itinuloy ang legal na proseso ay upang tuluyan nang makamit ang kalayaang legal at kapayapaan ng isip. Ikinuwento rin niya na umatras na siya sa kasong isinampa laban sa babaeng nasangkot kay Jon dahil ang pangunahing layunin niya ay ang mapawalang-bisa ang kanilang kasal.
Naging emosyonal din ang content creator habang inaalala ang mahabang proseso ng pagdalo sa mga pagdinig sa korte bago tuluyang lumabas ang desisyon.
Matatandaang ikinasal sina Jelai at Jon noong Oktubre 2018 matapos ang tatlong taong relasyon. Gayunman, hindi nagtagal ay nagkaroon ng problema ang kanilang pagsasama na humantong sa kanilang paghihiwalay. Bagama’t muling nagkabalikan ang dalawa, nauwi rin ito sa panibagong hiwalayan matapos muling masangkot sa isyu ng pagtataksil si Jon.
Sa bisa ng desisyon ng korte, malaya na ngayon sa legal na ugnayan bilang mag-asawa sina Jelai at Jon.






