--Ads--

Pinuri ni world No. 3 Jessica Pegula si Alex Eala matapos nitong masungkit ang kauna-unahang WTA title ng isang Pilipina sa pamamagitan ng 4-6, 6-4, 6-0 panalo sa final ng Mubadala DC Open.

Ayon kay Pegula, malaki ang naging improvement ni Eala at kahanga-hanga ang suporta ng mga Pilipinong fans na nakatutulong sa paglago ng tennis. Nagpaabot din ng pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa makasaysayang tagumpay ng Filipina tennis star.

Dahil sa panalo, inaasahang aakyat si Eala sa career-best world No. 20.

SAMANTALA, Inasahan na ng maraming Pilipino sa Estados Unidos na magtatagumpay si Pinay tennis sensation Alex Eala laban kay Pegula.

--Ads--

Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual,  bagama’t nakuha ni Pegula ang unang set sa kanilang laban, nagawa pa ring makabawi ni Eala sa pagpapatuloy ng laro at dominahin ang deciding set upang maitala ang makasaysayang panalo.

Dahil dito, naging kauna-unahang Pilipino si Eala na nagkampeon sa isang Women’s Tennis Association (WTA) 500 tournament.

Ayon kay Pascual, kapansin-pansin sa mga naging laban ni Eala ang kanyang kakayahang bumawi kahit pa nahuhuli sa mga naunang set ng laro.

Dahil sa ipinakita nitong tibay ng loob at husay sa kompetisyon, naging kumpiyansa ang maraming Pilipino sa Estados Unidos na kaya niyang talunin si Pegula na kasalukuyang world number 3 sa women’s tennis.

Dagdag pa niya, nagsimula na rin ang pagdiriwang ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos bilang pagkilala sa panibagong karangalang iniuwi ni Eala para sa bansa.