--Ads--

Normal pa rin ang sitwasyon sa Jordan sa kabila ng sunod-sunod na ballistic missile attack ng Iran sa isang base militar ng Estados Unidos sa labas ng Amman noong Setyembre 8 hanggang 9.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Menggay Mangantulao, wala namang naiulat na casualties sa naturang pag-atake, habang kaunti lamang umano ang pinsala sa naturang base.

Aniya, wala ring narinig na pagsabog o natanggap na warning ang mga residente sa lungsod ng Amman dahil malayo sila sa naturang base.

Samantala, patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa himpapawid at pinapayuhan ang mga residente na mag-ingat at manatili sa loob ng bahay o gusali sakaling magkaroon ng panibagong pag-atake.

--Ads--

Sinabi rin ni Mangantulao na wala siyang nababalitaang mga Pilipinong nais magpa-repatriate sa kasalukuyan, dahil nananatili umanong tahimik at ligtas ang sitwasyon sa kanilang lugar.

Wala pa ring ulat hinggil sa posibleng pagganti ng Jordan o Estados Unidos sa Iran, habang ang pangunahing layunin umano ng mga awtoridad ay mapanatiling ligtas ang bansa.