Nakiisa ang iba’t ibang organisasyon, opisyal ng pamahalaan, at sektor sa pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan sa Lungsod ng Cauayan.
Bilang bahagi ng programa, kinilala at pinarangalan ang mga bagong abogado at national topnotchers mula sa lungsod. Bukod dito, tumanggap sila ng tig-₱1,000 insentibo mula sa lokal na pamahalaan bilang pagkilala sa kanilang tagumpay, sa pangunguna ng mga opisyal ng lungsod.
Nagsilbing panauhing tagapagsalita si Atty. Gilbert Bautista, District Deputy Grand Master ng Masonic District Region 2–Isabela Central, kung saan binigyang-diin niya ang papel ng Masonerya sa kasaysayan ng pakikibaka ng Pilipinas para sa kalayaan.
Ayon sa kanya, ilang bayaning Pilipino ay naging kasapi ng samahang Mason na nagpalaganap ng mga adhikaing makabayan noong panahon ng pananakop. Hinikayat din niya ang publiko na patuloy na alalahanin ang sakripisyo ng mga bayani at ipakita ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng responsableng pakikilahok sa pag-unlad ng bansa.
Samantala, hindi lamang mga opisyal at organisasyon ang nakiisa sa ika-128 Araw ng Kalayaan sa Cauayan City kundi maging ang kabataan, na nagpakita ng talento at pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng mga cultural performance.
Ayon kay mall manager John Philip Baysac, mahalaga ang partisipasyon ng pribadong sektor upang mapalakas ang nasyonalismo at mapalapit ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa pagpapahalaga sa kasaysayan.
Ipinahayag naman ng mga kabataang sina Joshua Magas at Renorio Barasi na mahalagang aktibong makilahok ang kabataan sa mga programang makabayan upang mas maunawaan ang kasaysayan at responsibilidad bilang mamamayan, lalo na sa gitna ng mga hamon ng kasalukuyan.











