--Ads--

Bukas na sa publiko ang burol ng komedyanteng si Gil Aducal Morales o mas kilala bilang Ate Gay, bago ang nakatakdang paglilibing sa kaniya sa darating na Nobyembre 10.

Ayon sa pahayag ng pamilya na ibinahagi sa Facebook account ni Morales nitong Miyerkules, Nobyembre 4, isinasagawa ang kaniyang burol mula Nobyembre 4 hanggang 10 sa Forest Lake sa Biñan, Laguna.

Humingi naman ng paumanhin ang pamilya sa late announcement dahil naging abala sila sa pag-aasikaso sa natitirang bayarin sa ospital at mga paghahanda para sa kaniyang libing.

Paliwanag pa ng pamilya, nais sana nilang idaos ang burol ni Ate Gay sa kaniyang komunidad kung saan marami ang nakakakilala at nagmamahal sa kaniya, subalit hindi ito naging posible dahil sa kanilang kasalukuyang kalagayang pinansyal.

--Ads--

Nagpasalamat din ang pamilya sa mga taong nagpaabot ng tulong, gayundin sa pamunuan ng memorial park na nagbigay ng tulong sa pagsasagawa ng funeral service.

Matatandaang pumanaw si Ate Gay noong Nobyembre 1 sa edad na 55 matapos ang mahigit isang taong pakikipaglaban sa isang bihirang uri ng cancer na mucoepidermoid squamous cell carcinoma.

Ilang linggo bago ang kaniyang pagpanaw, nagsagawa rin siya ng living funeral kasama ang kaniyang pamilya at mga kaibigan.