--Ads--

Nananawagan ng tulong sa City Social Welfare and Development Office (CSWD) ang isang ina sa Cauayan City, Isabela, para sa kaniyang 12-anyos na anak na may autism na umano’y paulit-ulit na umaalis sa kanilang tahanan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Chita Jaquilmacpo, 48-anyos na labandera, sinabi nitong nagsimulang madalas na umalis ng bahay ang kaniyang anak noong sampung taong gulang pa lamang ito.

Labis na nag-aalala ang ina sa kaligtasan ng bata dahil nakikisalamuha umano ito sa mga nakatatandang indibidwal na hindi niya lubusang kilala, kabilang ang mga nasa edad hanggang 23-anyos.

Ikinababahala rin niya ang umano’y pamamalimos ng mga bata kung saan may mga indibidwal na kumukuha sa kanilang kinikita at pinapalayas sila kapag kulang ang nakokolektang pera.

--Ads--

Ayon sa ina, naidulog na niya sa PNP at Social Welfare Office ang kaniyang pangamba at nais niyang mabigyan ng angkop na interbensiyon at proteksiyon ang kaniyang anak.

Samantala, nilinaw ng CSWD na hindi angkop na dalhin sa Bahay Pag-asa ang bata dahil nakalaan ang pasilidad para sa mga batang may kasong may kaugnayan sa paglabag sa batas.

Hindi rin umano nabanggit sa unang paglapit ng ina na may autism ang kaniyang anak.

Dahil dito, nakatakdang makipagpulong ang ina sa CSWD upang masuri ang sitwasyon ng bata at matukoy ang nararapat na tulong at serbisyong maibibigay sa pamilya.

Matatandaang sumailalim na sa pagsusuri ang bata noong Grade 2 pa lamang at muli itong nagpa-assessment noong Setyembre 30.

Sa ngayon, hinihintay pa ng pamilya ang resulta nito.