--Ads--

Itinanggi ni House Majority Leader Sandro Marcos ang mga alegasyong ibinabato ng 18 dating bodyguards ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, at iginiit na ito ay pawang kasinungalingan at bahagi ng umano’y pagtatangkang sirain ang gobyerno.

Sa isang pahayag ngayong Miyerkules, sinabi ni Marcos na hindi dapat bigyan ng kredibilidad ang mga paratang ng mga dating bodyguard na nagsabing naghatid sila ng pera sa ilang personalidad, kabilang si Commission on Elections Chairperson George Garcia, Senador Francis Escudero, at ilang media figures.

Giit ni Marcos, ang mga pahayag ay “BS” at bahagi umano ng isang planong destabilisasyon laban sa pamahalaan.

“Kahapon, biglang sumali si Senator Escudero sa majority, biglang siya may maleta… So let’s call a spade a spade. It’s all BS,” ani Marcos.

--Ads--

Dagdag pa niya, hindi na umano dapat pag-aksayahan ng panahon ang naturang mga akusasyon dahil mas mahalaga ang mga gawain ng gobyerno, lalo na sa gitna ng special session ng Kongreso.

Sa parehong panayam, kinuwestiyon din ni Marcos ang isang ulat tungkol sa umano’y kawalan ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa 7.8-magnitude na lindol sa General Santos City, at iginiit na dapat ay beripikado muna ang mga impormasyon bago ilabas sa publiko.

“Let’s go to work,” dagdag pa niya habang nagpapatuloy ang special session na tumatalakay sa ilang priority measures ng administrasyon.