--Ads--

Nilinaw ng kampo ni Vice President Sara Duterte na hindi nito sinusubukang pigilan ang pagpapalabas ng kanyang bank at tax records na hinihingi ng House prosecution panel sa nagpapatuloy na impeachment trial.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, hindi natatakot si Duterte na mailabas ang kanyang mga bank records ngunit nais lamang nilang matiyak na ang anumang hakbang ay naaayon sa batas at sa Konstitusyon.

Sinabi ni Poa na nakabatay ang kanilang posisyon sa mga umiiral na prinsipyo ng privacy at due process na kinikilala rin ng Korte Suprema.

Matatandaang sa ika-anim na araw ng impeachment trial ay muling hiniling ng House prosecution panel sa Senado na magpalabas ng subpoena upang makuha ang bank records at tax documents nina Vice President Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

--Ads--

Mariing tinutulan ng depensa ang kahilingan at iginiit na maaari itong mauwi sa isang “fishing expedition” o paghahanap ng ebidensya nang walang sapat na batayan.

Binigyang-diin din ng kampo ng Bise Presidente na maaaring malabag ang karapatan sa privacy ng mag-asawang Duterte at Carpio kung ipag-uutos ang paglalabas ng kanilang mga financial records.

Sa ngayon, nakasalalay na sa Senate impeachment court ang magiging desisyon sa usapin, habang iginiit ng depensa na ang pangangalap ng ebidensya ay dapat manatiling naaayon sa Konstitusyon at sa rule of law.