--Ads--

Sinabi ni House Justice Committee chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro na tila kinikilala na ng kampo ni Vice President Sara Duterte na posibleng umabot sa Senado ang impeachment case laban sa kanya.

Ayon kay Luistro, ang naging pahayag ng defense team na sa Senate trial na lamang sila magbibigay ng sagot sa mga paratang ay senyales na inaasahan na rin nilang aaprubahan ng komite ang findings ng probable cause.

Ipinunto niya na batay sa kanilang press conference, lumalabas na tinatanggap na ng depensa na mauuwi sa paglilitis ang kaso, at doon na lamang nila susuriin ang mga ebidensya at magsasagawa ng cross-examination dahil sa sinasabing kakulangan at kalabuan ng mga ito.

Binigyang-diin din ni Luistro na mababa lamang ang pamantayan para sa probable cause, na nangangailangan lamang ng sapat na batayan upang maipagpatuloy ang kaso at hindi pa ito patunay ng pagkakasala.

--Ads--

Ibinahagi rin niya ang mga natuklasan ng Commission on Audit na may disallowance sa P73 milyon na confidential funds noong 2022 at karagdagang P375 milyon noong 2023, na kung magiging pinal ay aabot sa P448 milyon ang posibleng obligasyong isauli.

Dagdag pa rito, binanggit ng komite ang ulat ng Anti-Money Laundering Council na may P6.7 bilyong transaksiyon mula 2006 hanggang 2025 na hindi umano lumilitaw sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth ni Duterte. Ayon sa ulat, malaki ang agwat lalo na’t mula 2019 hanggang 2024 ay walang idineklarang cash at bank deposits.

Giit ni Luistro, malinaw ang isyu ng hindi pagdedeklara ng mga naturang yaman.

Depensa naman ng kampo ni Duterte, isinama raw sa kategoryang “Others” sa SALN ang cash at bank deposits, ngunit para kay Luistro, mas lalong pinagtitibay nito ang pangangailangan ng masusing paglilitis upang malinawan ang mga isyu.

Target ng House Committee on Justice na tapusin ang pagdinig sa Abril 29, kasabay ng inaasahang botohan kung may sapat na batayan upang iakyat ang impeachment case sa Senado.