--Ads--

Iginiit ng Punong Barangay ng San Fernando , Alicia na dumaan sa proseso ang pagpili sa mga benepisyaryo at tanging mga kuwalipikadong estudyante ang napili sa “Bawat Barangay Makikinabang Program”.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Jerry Gonzales, noong nakaraang taon pa umano ay inatasan niya ang mga kagawad nito sa bawat purok na ipaalam sa mga incoming fourth-year students na magtungo sa barangay hall kasama ang kanilang mga magulang para sa pagpili ng mga posibleng benepisyaryo.

Sampung incoming fourth-year students at kanilang mga magulang umano ang dumalo, kung saan lima lamang ang napili alinsunod sa limitasyon ng programa.

Aniya, ibinatay ang pagpili sa kalagayan ng mga estudyante bilang kabilang sa poor among the poorest, gayundin sa kanilang academic performance.

--Ads--

Kaugnay naman ng alegasyong may kamag-anak umano siyang kabilang sa mga napili, mariin itong pinabulaanan ni Kapitan at iginiit na kuwalipikado at nangangailangan ang naturang benepisyaryo dahil ito ay single mom.

Sinabi rin niyang isinasaalang-alang sa pagpili ang tunay na kalagayan ng pamilya ng mga estudyante, bukod sa mga dokumentong nagpapatunay na sila ay kasalukuyang nag-aaral.

Binigyang-diin ng punong barangay na ginawa nila ang kanilang tungkulin sa pagpili ng mga benepisyaryo at limitado lamang sa lima ang maaaring maisama sa programa.