--Ads--

Nagdeploy na ng karagdagang mga pulis ang Cauayan City Police Station sa ilang paaralan sa lungsod bilang bahagi ng pinaigting na seguridad at mga hakbang upang maiwasan ang anumang kahalintulad na insidente ng karahasan sa paaralan na naitala kamakailan sa Tacloban City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Jerry Castillo, Officer-in-Charge ng Cauayan City Police Station, sinabi nito na kanilang isinusulong ang isang “whole-of-government approach” kung saan magkatuwang na kikilos ang Philippine National Police, Department of Education, Department of Health, Local Government Unit, Anti-Crime Task Force, Public Order and Safety Office at iba pang ahensya upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Ayon kay PLt. Col. Castillo, agad niyang binisita ang Cauayan National High School kung saan napag-alamang may humigit-kumulang 7,300 estudyante ang pumapasok araw-araw, kabilang ang 4,200 sa junior high school at 3,100 sa senior high school.

Dahil sa laki ng populasyon ng paaralan, humiling ang pamunuan nito ng karagdagang police visibility, partikular sa umaga, oras ng tanghalian, at uwian kung kailan dagsa ang mga estudyante sa mga gate ng paaralan.

--Ads--

Bilang tugon, agad na nagtalaga ang Cauayan City Police Station ng anim na tauhan upang tumulong sa pagpapanatili ng seguridad sa nasabing paaralan.

Sinabi pa ng opisyal na nakabatay ang deployment ng mga pulis sa assessment ng mga lugar na may mataas na bilang ng tao o tinatawag na places of convergence, kabilang ang mga paaralan, business districts, mga bangko at iba pang mahahalagang pasilidad.

Ipinaliwanag din nito na mahalaga ang presensya ng mga pulis dahil nagsisilbi itong deterrent o babala sa mga taong maaaring magtangkang gumawa ng masama.

Kasunod nito, nakatakda rin umanong magsagawa ng inspeksyon at pakikipagpulong si PLt. Col. Castillo sa iba pang mga paaralan sa lungsod, kabilang ang mga nasa bahagi ng Villa Luna, upang alamin ang kanilang mga pangangailangan at mga usaping may kaugnayan sa seguridad.

Tiniyak naman ng opisyal na hindi lamang ang mga paaralan sa sentro ng lungsod ang kanilang binabantayan dahil mayroon ding police outpost sa Villa Luna na nakahandang tumugon sa anumang insidente anumang oras.

Nanawagan din siya sa mga barangay officials at barangay tanod na makiisa sa pagpapanatili ng seguridad sa paligid ng mga paaralan dahil sila ang direktang nakakasubaybay sa sitwasyon sa kanilang mga komunidad.

Samantala, hinikayat niya ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak at makipagtulungan sa mga guro, school administrators, at mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.