--Ads--

Nagsampa na ng kaso sa Office of the City Prosecutor sa Ilagan laban sa FCGI ang Securities and Exchange Commission o SEC matapos makalikom ng sapat na ebidensya at mga testimonya mula sa mga complainant at saksi sa naganap na investment scam.

Matapos ang masusing pagsusuri, nakita umano ng piskalya na may sapat na batayan ang reklamo kaya itinuloy ang kaso laban sa mga akusado.

Sinabi ni Jumen Tamayo ang imbestigador sa kaso, umaasa silang mapapanagot ang mga respondent dahil sa lakas ng mga ebidensyang kanilang nakalap. Kaugnay nito, naglabas na rin ng warrant of arrest laban sa mga nasasakdal. Naaresto na ang mga ito at nakapagpiyansa alinsunod sa kanilang karapatan habang hinihintay ang pagpapatuloy ng paglilitis.

Bagama’t may mga complainant nang lumantad upang suportahan ang kaso, naniniwala ang SEC na marami pang posibleng biktima ng FCGI ang hindi pa nagsusumite ng pormal na reklamo dahil sa pangamba o pag-aatubiling lumantad.

--Ads--

Kasabay nito, muling nagpaalala ang SEC sa publiko na maging mapanuri sa mga investment na nangangako ng mabilis at napakalaking kita kapalit ng maliit na puhunan. Hinikayat din nito ang mga mamamayan na beripikahin muna sa SEC ang legalidad ng anumang investment offer bago maglabas ng pera upang makaiwas sa panlilinlang at posibleng pagkawala ng kanilang ipon.

Dagdag pa ng ahensya, patuloy nilang pinalalakas ang kanilang information drive sa iba’t ibang munisipalidad upang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga investment scam at iba pang uri ng panloloko sa pananalapi.