--Ads--

Nanatiling miyembro ng Board of Directors ng Metro City Chow Foods Corporation si Vice President Sara Duterte hanggang 2025, ayon sa isang opisyal ng Securities and Exchange Commission o SEC.

Sa impeachment trial, sinabi ni SEC Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo Fernando del Rosario na nakasaad sa General Information Sheet o GIS ng kumpanya mula 2022 hanggang 2025 na kabilang pa rin si Duterte sa Board of Directors.

Ipinaliwanag din ni Del Rosario na may kapangyarihan ang Board of Directors sa mga gawain at ari-arian ng isang korporasyon.

Samantala, sinabi ng SEC official na walang pangalan ni Duterte bilang incorporator o director sa mga dokumentong isinumite ng GenCorp. Industries Inc., kahit idineklara niya ang kumpanya bilang isa sa kanyang business interests sa kanyang 2023, 2024 at 2025 SALN.

--Ads--

Nang tanungin kung paano posibleng may kontrol si Duterte sa GenCorp kahit wala ang kanyang pangalan sa records, nagbigay si Del Rosario ng halimbawa na maaari umanong magkaroon ng kontrol sa pamamagitan ng JTC Group of Companies, na may 55 percent equity sa GenCorp.

Gayunman, sinabi niyang isang posibleng scenario lamang ito at nakadepende sa kung sino ang tunay na may kontrol sa JTC Group of Companies.