--Ads--

Posibleng hindi nagmula sa 18 kumpanyang inuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio ang paglaki ng net worth ng bise presidente.

Ito ang naging obserbasyon ni Senate President Sherwin Gatchalian matapos suriin ang summary ng mga korporasyong inihain ni Securities and Exchange Commission o SEC Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo Del Rosario sa impeachment court.

Ayon kay Del Rosario, walang impormasyon sa kanilang records na nagdeklara ng dividends ang mga kumpanyang inuugnay kina Duterte at Carpio.

Dahil dito, sinabi ni Gatchalian na maaaring ma-rule out ang mga naturang korporasyon bilang pinagmulan ng paglaki ng net worth ni VP Sara kung wala siyang natanggap na dividends mula sa mga ito.

--Ads--

Kinumpirma rin ni Del Rosario na nalugi ang ilang korporasyon na inuugnay sa mag-asawa, kabilang ang Davao Emerging Taipans, SGT Fortune Horse at Mati Ice Plant, habang hindi naman shareholder ng GenCorp si Duterte batay sa SEC records.

Ayon kay Del Rosario, hindi maaaring magdeklara ng dividends ang isang korporasyon kung mayroon itong deficit o negatibong retained earnings.

Bahagi ito ng pagsusuri sa business interests at net worth ni VP Sara Duterte kaugnay ng Article II ng impeachment case.