Wala pang sariling konklusyon ang Securities and Exchange Commission o SEC kung nilabag ni Vice President Sara Duterte ang 1987 Constitution sa pag-upo bilang director ng isang kumpanya habang nasa puwesto.
Sa impeachment trial nitong Lunes, Setyembre 21, sinabi ni SEC Director Gerardo del Rosario na nakalista sa corporate filings si Duterte bilang director ng Metro City Chow Foods Corp. mula 2018 hanggang 2025. Nahalal naman siyang vice president noong 2022.
Ayon kay Del Rosario, Senado ang dapat magpasya kung nilabag ni Duterte ang constitutional ban sa paglahok ng vice president sa anumang negosyo.
Kabilang si Del Rosario sa mga testigo ng prosekusyon para sa Article II ng impeachment case, na may alegasyon ng hindi tugmang yaman sa legal na kita at hindi idineklarang business interests.
Tinanong ni Senate President Sherwin Gatchalian si Del Rosario kung ang pagiging miyembro ni Duterte ng compensation committee ng kumpanya ay nangangahulugang may direct participation siya sa pamamahala nito. Kinumpirma ito ng opisyal batay sa ulat ng corporate secretary.
Nang tanungin kung posibleng paglabag ito sa Konstitusyon, sumagot si Del Rosario ng oo, ngunit nilinaw niyang hindi pa ito sinuri ng SEC bilang aktuwal na constitutional violation.
Ayon sa opisyal, saklaw ng investigative powers ng SEC ang mga paglabag sa securities laws at hindi ang paglabag ng mga public official sa Konstitusyon.
Nauna nang sinabi ni Del Rosario na isa si Duterte sa incorporators ng kumpanya at naging board member nito mula nang itatag noong 2016. Mayroon siyang 20 porsiyentong subscribed shares na nagkakahalaga ng P50,000.
Samantala, sinabi ng SEC official na nakabatay lamang ang kanilang mga rekord sa mga impormasyong isinusumite ng mga kumpanya. Lumalabas din sa filings na nakapagtala ang Metro City Chow Foods ng pinagsamang net loss na mahigit P3.15 milyon mula 2017 hanggang 2025 at walang idineklarang dividends mula 2018 hanggang 2025.











