Iginiit ng isang abogado na matutuloy pa rin ang kaso laban kay dating Pangulog Rodrigo Roa Duterte kahit pa man magwithdraw ang lead counsel nito na si Atty. Nicholas Kaufman.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Christian Gonzales, sinabi nito na ang pagbibitiw sa pwesto ng lead counsel ng akusado ay hindi nangangahulugan ng paghina ng kasong isinampa laban dito maliban na lamang kung mayroong legal ground para I-dismiss o I-terminate ito.
Bagama’t inanunsiyo na ang withdrawal ni Kaufman ay hindi pa rin umano ito agad-agad na aaprubahan ng International Criminal Court lalo kung wala pa itong kapalit.
Pinahahalagahan kasi umano ng ICC ang right to counsel ng bawat akusado subalit, maaari umano itong magdulot ng bahagyang pagkaantala sa proseso kung sakaling humingi ng kaukulang panahon ang bagong lead counsel upang aralin ang kaso.
Aniya, maaaring ipagpatuloy ng bagong mapipiling lead counsel ang nasimulan ni Kaufman depende sa bagong stratehiya ng kampo ng dating Pangulo.










