Kalaboso ang isang 33-anyos na lalaking tumakas sa checkpoint at makuhanan ng hinihinalang shabu sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng San Manuel Police Station sa Brgy. Nueva Era, San Manuel, Isabela.
Kinilala ang suspek na si alyas “Omar”, 33 taong gulang, may asawa, magsasaka, at residente ng nasabing barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Leonard Mamerga ang hepa ng San mannuel Police Station, sinabi niya na lumalabas sa paunang imbestigasyon, nagsasagawa ng mobile checkpoint ang mga tauhan ng himpilan nang tangkain nilang pahintuin ang suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Sa halip na huminto, mabilis umano itong umiwas sa checkpoint at sumagi sa barricade.
Agad itong hinabol ng mga pulis hanggang sa ma-corner at maaresto.
Sa isinagawang body search, nakuha mula sa direktang pag-iingat ng suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang “shabu,” na may tinatayang timbang na 0.25 gramo at Standard Drug Price na PHP1,700.00.
Narekober din ang isang Android cellular phone na may sim card at isang puting motorsiklo.
Ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa San Manuel Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong Resistance and Disobedience to an Agent of Person in Authority at Violation of Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











