--Ads--

Kinoronahan bilang susunod na drag superstar ng bansa si Katana, isang 24-anyos na drag queen mula sa Santiago City, Isabela, matapos magwagi sa Season 4 ng “Drag Race Philippines.”

Tinalo ni Katana si Maureen Biology sa grand finale na ipinalabas nitong Nobyembre 27.

Nakuha ni Katana ang korona matapos ang huling lip-sync performance sa kantang “Dungka” ng SB19, kapalit ng isang milyong pisong premyo at isang taong supply ng cosmetics.

Sa kabuuan ng kompetisyon, nagpakita ng husay si Katana matapos makakuha ng ilang RuBadge at makapasok sa finale nang hindi sumasailalim sa lip-sync battle para manatili sa kompetisyon.

--Ads--

Ipinamalas din niya ang pagmamalaki sa kaniyang pinagmulan sa pamamagitan ng pagsusuot ng kasuotang hango sa abaka at katutubong disenyo ng tela sa Isabela.

Sa kaniyang mensahe matapos makoronahan, hinikayat ni Katana ang drag community na yakapin ang kanilang sariling pagkakakilanlan at huwag hayaang diktahan ng iba kung paano nila ipapahayag ang kanilang sarili.

Dahil sa kaniyang pagkapanalo, nakasama na siya kina Precious Paula Nicole, Captivating Katkat at Maxie Andreison bilang mga nagwagi sa “Drag Race Philippines.”