--Ads--

Kinumpirma ng 5th Infantry Division Philippine Army na isang sundalo ang nasawi sa naganap na engkwentro sa pagitan ng mga Militar at hinihinalang miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) sa Barangay Apao, Tineg, Abra.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa 5th ID, kasakalukuyan pa ang pursuit operation ng mga militar at inaalam din kung mayroong casualty sa panig ng mga makakalawang grupo.

Matatandaan na nagsimula ang naturang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga militar mula sa mga residente at dating rebelde hinggil sa kinaroroonan ng armadong grupo sa hangganan ng Abra at Kalinga.

Ayon kay MGen. Gulliver L. Señires, Commander ng 5th Infantry Division, layunin sana nilang hikayatin ang mga rebelde na sumuko ngunit nauwi ito sa engkuwentro matapos umanong magpaputok ang mga armadong indibidwal. Nagkaroon pa ng ikalawang sagupaan habang nagpapatuloy ang pagtugis sa grupo.

--Ads--

Sinabi ni MGen. Señires na ang 10 armadong indibidwal na kanilang hinahabol ay pinaniniwalaang huling natitirang mga miyembro ng ICRC. Nanawagan naman siya sa mga ito na sumuko at samantalahin ang mga programang iniaalok ng pamahalaan.

Samantala, nagpapatuloy ang clearing at security operations ng militar sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.