Nagtala ng kasaysayan si Roella Grace Valiente Lacueva bilang isa sa tatlong Summa Cum Laude ng Isabela State University – Main Campus at kauna-unahan mula sa College of Arts and Sciences.
Ang Communication graduate na si Lacueva ay nakakuha ng GWA na 1.240, dahilan upang siya rin ang maging valedictorian ng kanilang batch.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin ni Lacueva na bagama’t malaking karangalan ang pagiging Summa Cum Laude, kaakibat nito ang pressure, lalo na’t hindi siya sanay sa spotlight. Mas komportable umano siyang magtrabaho “behind the scenes,” gaya ng pagsusulat at pagdidirek.
Mula kindergarten hanggang junior high school, madalas siyang nangunguna sa klase, maliban noong senior high school matapos ma-diagnose ng bipolar disorder na nakaapekto sa kanyang pag-aaral. Dahil dito, nagbago ang kanyang pananaw sa edukasyon at mas pinahalagahan niya ang pagkatuto kaysa sa mataas na grado.
Ayon sa kanya, bonus na lamang ang matataas na marka dahil mas mahalaga ang makita ang kinalabasan ng kanyang mga proyekto at aktibidad.
Naipahayag din niya na bata pa lamang ay nahubog na ang kanyang hilig sa storytelling dahil sa panonood ng iba’t ibang pelikula. Naniniwala siya na maaaring magamit ang mga aral mula rito sa totoong buhay sa pamamagitan ng pagkukuwento.
Ito ang dahilan kung bakit niya pinili ang kursong Bachelor of Arts in Communication, upang maging ganap na storyteller na makapagbibigay ng inspirasyon at aral sa publiko.
Layunin din niyang maging guro sa unibersidad dahil naniniwala siya na ang pagtuturo ang isa sa pinakamahusay na paraan ng pagkatuto. Plano rin niyang makipag-collaborate sa iba upang lalo pang mapalawak ang kanyang kakayahan.
Umaasa siya na balang araw ay makakalikha siya ng isang pelikula o teatro.
Ayon kay Lacueva, ang kanyang tagumpay ay para rin sa kanyang pamilya at sa lahat ng sumuporta sa kanya na naging daan upang maging makabuluhan ang kanyang paglalakbay sa kolehiyo.











