--Ads--

Nagsagawa ang Ukraine ng malawakang pag-atake gamit ang mga long-range drone na tumama sa rehiyon ng St. Petersburg sa Russia, kabilang ang isang oil terminal at daungan sa Baltic Sea, sa isa sa pinakamalalaking operasyong isinagawa malapit sa lungsod ni Pangulong Vladimir Putin.

Ayon kay Alexander Drozdenko, gobernador ng Leningrad Region, nakapagpabagsak ang air defense ng Russia ng 72 drone sa rehiyon noong Sabado. Isinagawa ang operasyon humigit-kumulang 900 kilometro mula sa teritoryong kontrolado ng Ukraine.

Dahil sa pag-atake, pansamantalang itinigil ang mga operasyon sa Pulkovo Airport at nilimitahan ang mobile internet services upang hadlangan ang sistema ng nabigasyon ng mga drone.

Samantala, sinabi ni Alexander Beglov na isang drone ang bumagsak sa loob ng bakuran ng makasaysayang Peterhof Palace, habang isa pa ang tumama sa isang oil terminal sa Kirovsky district ng lungsod.

--Ads--

Iniulat din ng mga opisyal na may mga debris na tumama sa isang oil terminal, kalapit na pantalan, at iba pang pasilidad. May mga labi rin ng drone na bumagsak malapit sa daungan ng Port of Vysotsk na malapit sa hangganan ng Finland, bagama’t wala pang iniulat na bilang ng mga nasawi.

Ayon naman sa Ministry of Defense ng Russia, kabuuang 389 drone ng Ukraine ang naharang sa buong bansa sa magdamag, ngunit kinumpirma lamang nito ang mga pag-atake sa mas malawak na rehiyon ng Leningrad.

Sa panig ng Ukraine, sinabi ni Pangulong Volodymyr Zelenskyy na target ng kanilang operasyon ang mga pasilidad ng langis na pinagmumulan ng pondo para sa kampanyang militar ng Russia. Inihayag din niya na tinamaan ng kanilang pwersa ang Kronstadt Naval Base, na aniya’y isang mahalagang military target dahil halos kalahati ng kapasidad sa pagpoproseso ng langis ng Russia ang naapektuhan.

Iginiit ng General Staff ng Ukraine na naapektuhan o pansamantalang hindi nagagamit ang 42.74 porsiyento ng kapasidad ng Russia sa pagpoproseso ng langis hanggang sa unang bahagi ng Hulyo. Ayon dito, walong refinery ang tinamaan sa nakalipas na buwan at mahigit 60 tangke ng imbakan ng langis ang nasira o napinsala.

Tinaya rin ng Ukraine na umabot na sa $13.5 bilyon ang kabuuang pagkalugi ng industriya mula pa noong Agosto 2025. Gayunman, ayon sa mga independiyenteng energy analyst, mas malapit sa isang-katlo ng kabuuang kapasidad ng Russia ang aktuwal na naapektuhan.

Dahil sa sunod-sunod na pag-atake, nakaranas umano ng kakulangan sa suplay ng gasolina ang ilang bahagi ng Russia, dahilan upang palawigin ng Moscow ang pagbabawal sa pag-export ng gasolina at higpitan ang pagbebenta nito sa mahigit 40 rehiyon, kabilang ang Crimea.

Noong nakaraang linggo, inamin ni Putin na may epekto ang mga pag-atake sa suplay ng gasolina ngunit sinabi niyang hindi ito kritikal at mabilis na naisasagawa ang pagkukumpuni ng mga nasirang pasilidad.

Samantala, isang pasilidad ng produksyon ng natural gas sa rehiyon ng Poltava sa gitnang Ukraine ang tinamaan ng drone ng Russia, ayon sa state energy company na Naftogaz.

Nagresulta ang pag-atake sa sunog at pansamantalang pagpapatigil ng operasyon sa pasilidad. Ayon sa kumpanya, patuloy umanong tinatarget ng Russia ang mga imprastraktura ng enerhiya upang pababain ang lokal na produksyon ng gas ng Ukraine at pahirapan ang paghahanda nito para sa panahon ng taglamig.