Inihayag ng Japan B.League na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan nito, magdaraos ito ng mga opisyal na laro sa labas ng Japan at napili ang Maynila na maging host nito.
Nakatakda ang mga kapana-panabik na laro sa Setyembre 9 at 10 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. Maghaharap dito ang mga koponang Levanga Hokkaido at Gunma Crane Thunders, kung saan inaasahang magpapakitang-gilas sa harap ng kanilang mga kababayang Pilipino ang mga Gilas Pilipinas stars na sina Dwight Ramos at AJ Edu para sa kani-kanilang koponan.
Ang makasaysayang hosting na ito ay bahagi rin ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng diplomatic relation sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Idinagdag pa ni B.League Chairman Shinji Shimada na ang Pilipinas ang nagpadala ng pinakamaraming Asia Special Quota players sa B.League kumpara sa ibang bansa, kaya naman mayroong espesyal na ugnayan ang dalawang nasyon.






