--Ads--

Natagpuan at hinukay ng mga operatiba ng Diadi Police ang bangkay ng isang 46-anyos na kawani ng National Irrigation Administration (NIA) na umano’y pinatay at ibinaon sa Sitio Lampong, Barangay Escoting, Diadi, Nueva Vizcaya, nitong Lunes ng umaga, Oktubre 12.

Ang biktima ay isang job order employee ng NIA Nueva Vizcaya at residente ng Barangay Butao. Huli umano siyang nakita noong Biyernes, Oktubre 9, nang magtungo sa Barangay Escoting upang kausapin ang mga construction worker tungkol sa presyo ng graba para sa isang proyektong isinasagawa ng contractor ng NIA sa lugar.

Ayon kay PCapt. Daryl Marquez, hepe ng Diadi Police, na niyaya umano ng limang kalalakihan ang biktima na makipag-inuman, ngunit nauwi sa pagtatalo ang kanilang pagsasama.

Ayon kay PCapt. Marquez, pinagtulungan umanong bugbugin ng mga suspek ang biktima hanggang sa mawalan ito ng malay matapos paulit-ulit na iuntog ng isa sa mga suspek ang ulo nito sa sementadong kalsada.

--Ads--

Isa sa mga suspek ang kusang sumuko sa Police Station 4 sa Santiago City dahil umano sa konsensiya. Inamin umano nitong siya ang unang sumuntok sa biktima, habang tumulong din umano ang iba pang kasama sa pananakit.

Ang suspek na umano’y paulit-ulit na nag-untog sa ulo ng biktima sa semento ang siya ring operator ng backhoe na ginamit sa paghukay at pagbaon sa bangkay.

Samantala, isasama rin umano sa kaso ang asawa ng backhoe operator matapos umanong kunan ng video ang paglibing sa biktima.

Sa kasalukuyan, tatlo na sa mga suspek ang sumuko sa mga awtoridad kaugnay ng insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang mga sangkot.