Nagluluksa ang pamilya at komunidad ng bilyar sa pagpanaw ni Perry Mariano, na binaril sa kahabaan ng Timog Avenue sa Quezon City noong Martes, Abril 28.
Ayon sa ulat, sakay si Mariano at ang kanyang driver nang pagbabarilin ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo sa gitna ng kalsada. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, kabilang ang posibilidad na may kinalaman ito sa negosyo.
Kinilala si Mariano bilang mahalagang personalidad sa larangan ng bilyar sa bansa sa pamamagitan ng pagtatag ng Bugsy Promotions at Lucky Break, na tumutulong sa mga batang manlalaro sa pamamagitan ng sponsorships at tournaments.
Para sa kanyang anak na si Hadley, si Mariano ay hindi lamang haligi ng Philippine billiards kundi isang ama na naglaan ng buhay para sa sport at sa mga manlalaro nito.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang ilang kilalang bilyarista, na tinawag siyang “Godfather of Philippine Billiards” dahil sa kanyang malaking ambag sa paghubog ng mga manlalaro sa bansa.
Nakatakda ang memorial services para kay Mariano sa Aeternitas Chapels and Crematorium sa Quezon City mula Abril 30 hanggang Mayo 2, habang ang cremation ay isasagawa sa Mayo 3.










