Pinasinayaan ni North Korean leader Kim Jong Un ang bagong destroyer ng bansa na Kang Kon, na ayon sa kanya ay may kakayahang magsagawa ng matinding retaliatory strikes sa mga kaaway nitong bansa.
Pormal na idineploy ang barko sa seremonya sa Wonsan Port sa Kangwon Province nitong Linggo.
Ayon sa state-run Korean Central News Agency o KCNA, sinabi ni Kim na ang barko ay simbolo ng determinasyon ng North Korea na ipagtanggol ang soberanya at interes nito sa harap ng umano’y patuloy na banta sa karagatan.
Hindi naman tinukoy ng KCNA ang eksaktong mga armas ng Kang Kon, ngunit sinabi nitong kapareho ito ng weapons systems ng Choe Hyon, isang 5,000-ton warship na inilunsad noong Hunyo.
Ayon sa mga naunang ulat, maaaring magdala ang naturang klase ng destroyer ng iba’t ibang missile, kabilang ang mga sinasabing may kakayahang magkarga ng nuclear warhead.
Ipinagpapatuloy ng North Korea ang pagpapalakas at modernisasyon ng kanilang hukbong-dagat bilang bahagi ng mas malawak na pagpapalawak ng kanilang nuclear-capable forces.











