Nanawagan si Kasibu, Nueva Vizcaya Councilor Anthony Glenn Guingayan Sr. na itigil na ang isinasagawang mining activities sa kanilang lugar, na mariing tinututulan umano ng mga residente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Guingayan na matagal nang tutol ang mga residente sa mining activities dahil sa pangambang maapektuhan ang kanilang kabuhayan, likas na yaman at mga lugar na kanilang pinangangalagaan.
Ayon kay Councilor Guingayan, malaking bahagi ng kabuhayan ng mga residente ang pagsasaka, habang kabilang din sa kanilang ipinaglalaban ang pangangalaga sa mga likas na yaman at mga pasyalan gaya ng mga falls sa kanilang lugar.
Sinabi niyang nagsimula ang kanilang pagtutol sa mining noong siya ay barangay secretary pa lamang at nagpatuloy nang siya ay naging barangay captain sa loob ng 13 taon, hanggang sa kasalukuyan niyang panunungkulan bilang konsehal.
Kaugnay nito, sinabi ni Guingayan na ang kanilang pagbabarikada ang naging bahagi ng kanilang pagkilos upang pigilan ang mining activities sa lugar, na kalaunan ay nauwi sa mga kasong kinakaharap nila.
Kabilang dito ang cyber libel case na isinampa umano ng ilang barangay officials laban sa kanya at iba pang indibidwal.
Naglabas ng warrant of arrest laban kay Guingayan kaugnay ng kaso, na una umanong may ₱252,000 na piyansa bago ito ibinaba ng korte sa ₱130,000 matapos ang kanilang motion.
Sa kabila nito, sinabi ni Guingayan na magpapatuloy ang kanilang pagtutol at pagbabantay laban sa mining activities hanggang sa tuluyang umatras ang mga kumpanyang nais magsagawa ng operasyon sa kanilang lugar.










