--Ads--

Ikinagalak ng anti-mining leader ang isasagawang imbestigasyon kaugnay ng insidente sa Kasibu, Nueva Vizcaya, kung saan ilang residente ang inaresto at pinosasan sa gitna ng pagtutol umano sa operasyon ng isang mining company.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Florentino Daynos, Anti-Mining Leader, sinabi nitong makatutulong ang imbestigasyon upang malinawan ang magkabilang panig sa mga patakaran at pangyayaring nauwi sa pagkakahuli at pagkakaposas sa ilang residente.

Kinuwestiyon ni Daynos ang naging operasyon ng PNP dahil wala umano silang ipinakitang warrant of arrest o court order sa mga inaresto.

Para kay Daynos, maituturing umanong harassment o panggigipit sa mga residente ang naturang aksyon upang maituloy ang operasyon ng mining company.

--Ads--

Isa rin sa nais niyang malinawan ang usapin sa lugar na pinagganapan ng insidente, na idineklarang public road umano ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Daynos, kung ang naturang lugar ay pribadong lupain at may titulo, hindi umano ito maaaring basta ideklarang public road. Kailangan aniya itong dumaan sa proseso gaya ng donasyon, pagbebenta o expropriation bago maging pampublikong daan.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng maayos na konsultasyon sa mga residente bago ipatupad ang mga hakbang na may epekto sa kanilang komunidad.

Sinabi nitong hindi umano sapat ang pagsasagawa ng seminar at paggamit sa attendance list bilang patunay na nakonsulta na ang mga residente hinggil sa operasyon ng pagmimina.

Samantala, hinamon din ni Daynos ang mga kinauukulang awtoridad na patunayan ang sinasabing pagtawag sa 911 na umano’y naging dahilan ng pagresponde ng mga pulis nang magkaroon ng kaguluhan noong Agosto.

Ayon sa kanya, kahit mayroon mang emergency call, dapat pa ring matiyak na magiging maayos ang pagresponde ng mga awtoridad at hindi ito hahantong sa karahasan.

Giit pa ng anti-mining leader, kung tutol ang mga residente sa pagmimina, dapat ding pakinggan ang kanilang paninindigan at hindi umano ito ipilit sa komunidad.

Binigyang-diin ni Daynos na ang development at progress ay dapat nakasentro sa kapakanan ng mga mamamayan at hindi dapat makamit kapalit ng kanilang lupain at kabuhayan, partikular ng mga Indigenous People na maaaring maapektuhan ng pagmimina.

Sa halip na pagmimina, iminungkahi niya ang pagpapaunlad ng turismo at iba pang aktibidad na maaari umanong lumikha ng permanente at pangmatagalang trabaho para sa mga residente.